Mukhang may sayad
Written on June 4, 2006 – 7:34 pm | by nalen
haPagkatapos kong umikot-ikot sa mall na malapit dito sa bahay ay
nagpasya na akong umakyat sa taas at maghintay na lang kay Shernane sa
labas ng study center nila. Umupo ako sa isang dulo ng hagdanan.
Nilabas yung binabasa kong Eleven Minutes ni Paulo Coelho, sinimulan
kong basahin, maya-maya may nakita akong isang salita na hindi ko alam
ang ibig sabihin.
Sinulat ko iyon, ang sabi ko hahanapin ko yung meaning sa dictionary
pagdating sa bahay. Maya-maya nakaisip ako ng ilang mga salita nag
ginawa kong patula. Kinuha ko yung pilot sign pen sa bag ko pati na ang
dala-dala kong notebook, ewan ko basta bigla ko naisip na magdala ng
notebook. Isang oras at kahalati kasi akong maghihintay kay Enane sa
labas ng klase e, sabi ko baka makaisip magsulat e di me masusulatan
ako.
Sinulat ko na yung mga nasa isip ko. Hindi pa ako nakuntento, gumawa na rin ako ng pwede kong maiblog sa tingin ko.
Yung kaninang libro na binabasa ko e nasa mga hita ko na, habang
patuloy akong nagsusulat. Medyo nga lang na-iistorbo nung tatlong babae
sa kabilang dulo ng hagdanan yung pag-iisip ko. Hindi ko maintindihan
yung mga salita nila pero mukha naman silang mga pinoy. Hindi naman
ilokano pero parang hindi naman bisaya. Mas lalong hindi Malay dahil sa
halos dalawang taon ko dito, alam ko na ang salitang malay. At mas
lalong hindi Mandarin na palasak na ginagamit ng mga tsekwa dito. Hindi
rin Tamil.
Yung lakas ng usapan nila e talagang nakakadiskaril sa “konsenstrasyon” ko.
Nilibot ko ang mga mata ko. Iba’t ibang race ng tao ang nakikita ko,
palagay ko nag-aantay din sa mga batang lalabas sa study center ang mga
ito. Magtataka pa ba ako kung bakit iba-iba ang itsura namin dito e
kaya nga tinawag itong multi-racial na lupain. Karamihan sa kanila ay
nakatingin sa akin. Baka nagtatanong sa isip kung ano ang ginagawa ko
dahil hindi naman ako mukhang estudyante pero eto me hawak akong libro,
notebook at pen.
Maya-maya bigla ko naisip yung isang eksena na matagal ko ng nakita.
Kasa-kasama ako ni nanay noon sa pagtitinda sa bangketa doon sa
kahabaan ng Ongpin. May isang lalaki na halos doon na nakatira sa
bangketang iyon kasama pa ng iba niyang mga kababayan galing Bicol.
Doon sila natutulog sa gabi, at nagtatrabaho sa umaga. Karamihan sa
kanila ang trabaho ay pedicab boy, ang iba naman ay sa ginagawang
building sa di kalayuan.
Yung lalaking iyon, madalas ko siyang mapagmasdan na me hawak ng
libro, papel at ballpen. Nagbabasa, nagsusulat at nag-iisip. Mukha
naman siyang nagbabasa dahil nakikita kong nililipat niya ang mga
pahina ng libro. Nakikita ko rin siyang nagsusulat. Pero di ko alam
kung nag-iisip nga siya o meron talaga siyang iniisip sa itsura niya na
tila ba nag-eexam sa isang silid aralan.
Ang sabi ng mga kasamahan niya, may sayad daw yung lalaki. Iniwan daw ng asawa noong mga panahon na wala siyang trabaho.
Yung eksenang iyon na nakita ko matagal na panahon na. At ang eksena
ko ngayon habang nililibot ko ang tingin ko sa mga tao sa paligid ko.
Iniisip ko….may sayad na rin kaya ako?
Pero teka……hindi ako iniwan ng asawa ha!!
Read more blogs here